Biyernes, Nobyembre 8, 2024

Salin ng tula ni Charlie Chaplin

SALIN NG TULA NI CHARLIE CHAPLIN
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nilason ng kasakiman ang diwa ng tao,
na binarikadahan ng poot ang daigdig,
na ala-gansang hinakbangan tayo sa dusa't
pagdanak ng dugo.

Nakagawa tayo ng mabilis,
subalit sarili natin ay ipiniit.
May makinaryang ang bigay ay kasaganaan
ngunit nilulong tayo sa pangangailangan.

Ginawa tayong mapanlait ng ating nalalaman;
ang ating talino, matigas at hindi mabait,
Labis tayong nag-iisip at kaunti ang nararamdaman.

Higit pa sa makinarya,
kailangan natin ang sangkatauhan.
Higit pa sa talino,
kailangan natin ng kabutihan at pagkamahinahon.

Kung ang mga katangiang ito'y wala
buhay ay magiging marahas at lahat ay mawawala.

~ Charlie Chaplin

* ang mga litrato ay mula sa isang fb page
11.08.2024

Si Sir Charles Spencer Chaplin, Jr., KBE (Abril 16, 1889 – Disyembre 25, 1977), mas kilala bilang Charlie Chaplin, ay isang Ingles na komedyanteng aktor at tagagawa ng pelikula na nagkamit ng mga parangal sa Academy Awards. Naging isa sa mga pinakasikat na artista, gayon din bilang isang tagagawa ng pelikula, kompositor at musikero noong nauna at gitnang panahon ng "Klasikong Hollywood" ng pelikulang Amerikano. (Wikipedia)

A poem by Charlie Chaplin

Greed has poisoned men's souls,
has barricaded the world with hate,
has goose-stepped us into misery
and bloodshed.

We have developed speed,
but we have shut ourselves in.
Machinery that gives abundance
has left us in want.

Our knowledge has made us cynical;
our cleverness, hard and unkind.
We think too much and feel too little.

More than machinery,
we need humanity.
More than cleverness,
we need kindness and gentleness.

Without these qualities,
life will be violent and all will be lost.

Martes, Oktubre 22, 2024

Pagninilay - salin ng tula ni Asmaa Azaizeh

PAGNINILAY
Tula ni Asmaa Azaizeh
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Kahapon, iniabot ko lahat ng aking tula sa aking tagapaglathala.
Pakiramdam ko'y ang aking ulo ang inabot ko sa kanya 
at ang mga salitang binibigkas ko mula ngayon
ay lalabas sa bibig niya.
Napakasakit!

Hindi nagpapakita nang paisa-isa ang mga sakuna
Dumarating sila sa kawan-kawan tulad ng isang nagugutom na hayop.
Sinabi ito ng isang makata at siya'y ay namatay.
Halimbawa, kalahati ng aking pamilya ang namatay
at pagkatapos kong ipagdiwang ang dulo ng taon
namatay ang aking ama.

Simula noon ay hinayaan ko na ang aking mga tula.
Tuwing gabi naglalasing ang mga makata sa ilalim ng aking bintana
at dinidiktahan ako ng matatalinong tula.
Kinasusuklaman ko ang karunungan.
Inaanyayahan ko sila, at nilapa ko silang animo'y tupang pinataba
at nakisalo sa kanila,
subalit hindi ko pa rin maibabalik ang aking tinig.
Nasulyapan ko ito sa bintana, nakabayubay
sa ituktok ng bundok.

Ako'y naging repleksyon na lang
ng isang punong hinubaran sa isang lusak sa daan.
Ako'y huwag mong hakbangan, itago mo ako sa lilim
mula sa araw na maaaring sumikat
at msumingaw ang aking katawan.
Marahil ay sasabihin ko ang aking kapayapaan.

Sasabihin ko sa iyong ang mga sakuna'y maaapula rin
pag tinigilan mong lagyan sila ng panggatong,
datapwat hindi mo ako maririnig,
at ang bundok ay mula sa pampaningas.

- sa Dabbouria, Ibabang Galillee

10.22.2024

* Si Asmaa Azaizeh ay isang babaeng makata, lumalabas sa entablado, at mananalaysay na nakabase sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng mga tula, ang Liwa, na nagwagi ng 2010 Al Qattan Foundation Debut Writer Award, As The Woman from Lod Bore Me, at Don’t Believe Me If I Talk To You of War. Si Azaizeh ang unang direktor ng Mahmoud Darwish Museum sa Ramallah simula noong 2012.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:  
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Lunes, Oktubre 21, 2024

Tulang walang pamagat IV - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT IV
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

IV.

Siya'y tumatangis, kaya kinuha ko ang kanyang kamay upang pakalmahin at upang punasan ang kanyang mga luha.

Sabi ko sa kanya habang sinasakal ako ng kalungkutan: ipinapangako ko sa iyong ang katarungang iyon

ay mananaig din sa dulo, at daratal din ang kapayapaang iyon sa lalong madaling panahon.

Nagsisinungaling ako sa kanya, siyempre. Batid kong di mananaig ang katarungan

at di daratal ang kapayapaan sa lalong madaling panahon, subalit dapat kong pigilan ang kanyang pagtangis.

May mali akong palagay na nagsasabing, kung kaya natin, sa pamamagitan ng ilang tapik, ay mapapahinto

ang ilog ng luha, na magpapatuloy ang lahat sa makatwirang paraan.

Pagkatapos, tatanggapin na lamang ang mga bagay kung ano sila. Mangingibabaw ang kalupitan at katarungan

nang magkasama sa parang, ang diyos ay magiging kapatid ni satanas, at ang biktima'y magiging

sinta ng pumatay sa kanya.

Subalit walang paraan upang ang mga luha'y mapigilan. Patuloy silang bumubuhos na animo'y baha

at sinisira ang nakahigang seremonya ng kapayapaan.

At dahil dito, para sa mapait na kapalaluan ng mga luha, hayaang italaga ang mata bilang tunay na banal

sa balat ng lupa.

Hindi tungkulin ng tula ang magpahid ng luha.

Dapat ang tula'y maghukay ng kanal upang pagdaluyan ng luha at lunurin ang santinakpan.

- mula sa A Date for the Crow

10.21.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Linggo, Oktubre 20, 2024

Tulang walang pamagat III - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT III
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

III.

Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan.

Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig.

Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit.

Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan.

Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan.

Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan.

Ang kahulugan ay kaayusan.

Ang kahulugan ay nagkataon lang.

Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan.

Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada.

Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo.

Ang panahon ko'y sa katapusan ng Agosto.

Sa katapusan ng Agosto, nakalabit ang aking gatilyo.

Ay, kung maaari lang akong mabuhay sa isang baso ng tubig; ang mga ugat kong puti, luntian kong aking buhok, at ang haring araw na tangi kong diyos.

May isa akong awiting lagi kong inuulit. May isa akong malaking kasinungalingang dinikit ko ng pamatse sa kisame, upang dumikit dito ang mga langaw ng katotohanan.

Ang ulo ko'y napakalaking kapara'y lobo. Ang kamay ko'y isang dukhang bituin, ang balaraw ay isang masakit na kapayakang hindi ko taglay, at pagdating ko sa kahulugan, nawala ito sa akin.

- mula sa Alanda

10.20.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Sabado, Oktubre 19, 2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

I.

Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.

Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.

- mula sa Kushtban

II.

Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.

Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.

Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.

Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.

Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.

- mula sa Alanda (Ephedra)

10.19.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Biyernes, Oktubre 18, 2024

Pagsusulit - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

PAGSUSULIT
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Napakahuli na ng mga aralin ng aking ina.
Matapos lahat ng dinanas namin - 
binibilang niya ang mga taon
sa tapat na pagsang-ayon sa Nakba
at ang mga binilang ko habang kagat ang aking dila -
ginigiit niyang maturuan ako, 
salita sa salita, nang agad-agad.
Wala siyang pagsasaalang-alang 
sa patuloy kong pagkataranta
o sa pagitan ng mga taon namin,
sa urbanidad na nagpaamo sa pagiging lagalag ko
at nagpakislap sa mga gilid ng aking wika.
Inuulit niya ang mga aralin nang may kalupitan
ng isang gurong naantala ang pagreretiro.
Hinahanap niya ang kanyang patpat 
sa ilalim ng kanyang bisig,
na hindi mahanap,
kaya hinampas niya ang mesang kahoy.
Isinusumpa ko ang sinumang lalaking 
magpapaiyak sa iyo, naiintindihan mo?
at walang batingaw na sasagip sa akin
bago ang pagsusulit.

- sa Haifa

10.18.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Huwebes, Oktubre 17, 2024

Alaala - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

ALAALA
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nagkakagulo ang lahat nang inagaw ko 
ang alaala ng Bedouin.
Malamang na ang binatang nakuryente 
habang nagdidilig sa kanyang bukid
ay maging asawa ng sinumang maliit na babae.
Malamang, maging parol sa karimlan 
ang kanyang mga titig 
matapos kargahan iyon ng liwanag.
Sa lahat ng maaaring mangyari'y 
pinagtaksilan ako ng alaala.
Siya ba'y binatang ikakasal 
o naantalang parol o luntiang bukirin?
Ang aking ina'y may ugaling pagparisukatin 
ang bawat detalye sa aking alaala.
Ang binata'y naging bukirin, luntiang parol,
at ang kuryente'y hindi nakarating 
sa aking nayon ni minsan.

- sa Haifa

10.17.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. Siya ang may-akda ng tatlong koleksyon ng mga maikling kwento at isang koleksyon ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya ay isang babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People